Nakatanggap ng tulong mula sa netizens ang isang palaboy sa Northern Samar na kinagiliwan dahil sa angking galing niya sa pagkanta, tulad ng "Just Once" ni James Ingram.

Sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles, mapapanood sa video ni Fernan Fabrigaras ang pag-awit ni Vivencio Empalmado Jr. ng naturang kanta.

Sinabi ng uploader, na may may-ari rin ng tindahan kung saan nag-videoke si Vivencio, na palaging kumakanta sa kanila ang palaboy.

Dati nilang kapitbahay si Vivencio na isang college graduate pero nagkaroon ng depresyon matapos pumanaw ang kaniyang ina.

Matapos mag-viral ang video ni Vivencio, maraming nagpadala ng donasyon sa kaniya.

Ginupitan din si Vivencio, pinaliguan at binigyan ng damit. Ipina-checkup din siya at binilhan ng pagkain at gamot. —Jamil Santos/KG, GMA News