Nakaladkad ang isang 70-anyos na lola nang agawin ng isang 22-anyos na lalaki ang kaniyang handbag sa Moscow, Russia. Ang salarin, bumalik pa raw sa lugar ng insidente na may dalang alak para humingi ng paumanhin.
Sa ulat ng Reuters, inilabas ng pulisya ang kuha sa CCTV camera sa ginawang pag-agaw ng lalaki sa bag ng lola na naglalakad sa bangketa.
Hindi binitawan ng lola ang kaniyang bag kaya nakaladkad siya hanggang sa kalsada.
Dahil ayaw talagang bitawan ng lola ang kaniyang bag at napansin na ng mga tao ang insidente, napilitan ang salarin na umalis nang walang nakuha sa biktima.
"I walked with my friends, they dared me... whether I can take away (the bag) or not. I pulled it, the woman fell off the curb," ayon sa salarin na naaresto.
"I tried to pull my hand out, dragging her across the ground. When I freed my hand, I ran away, I did not take anything, just ran away," patuloy niya.
Ayon sa mga pulis sa Moscow, sinabi ng salarin na bumalik siya sa pinangyarihan ng insidente na may dalang bote ng whiskey para humingi ng paumanhin.
Mahaharap siya sa reklamong attempted robbery.--FRJ, GMA News