Huli sa CCTV camera ng isang barangay sa Maynila ang isang lalaki na bitbit at itinatakbo ang isang washing machine. Alamin kung bakit niya ito ginawa bago pag-isipan ng masama ang lalaki.

Sa programang "On Record," napag-alaman kay chairman King Ancheta, ng Brgy. 446, Zone 44 sa Sampaloc, na ang lalaking nahuli-cam na may itinatakbong washing machine ay kasali sa pakulo ng barangay na online "Bring Me" challenge.

Sinimulan daw nila ang naturang palaro sa kanilang barangay noong nagsimula ang pandemya.

Sa naturang palaro, may mga nakabantay na tanod at isang kalahok lamang ang papayagang lumabas kapag siya ang nauna. Kaya ang ibang susubok pa, hindi na puwedeng sumunod sa kalahok na unang nakalabas.

Para mabantayan ang palaro, naka-monitor ang mga tanod sa mga CCTV sa kanilang lugar.

Kinilala ang lalaking nakunang itinatakbo ang washing machine na si Dean Lester PeƱamante, na naengganyong sumali para may pambili ng pagkain.

Dating salad maker sa restaurant si Lester, pero natigil sa hanapbuhay dahil sa pandemya.

Nagwagi siya ng P500 sa palaro, na pinaghatian nila ng may-ari ng washing machine.

Panoorin ang buong kuwento nila sa video ng "On Record." --FRJ, GMA News