Nangingitim na raw at nawalan na ng pulso ang dalawang- buwang-gulang na si Baby Matthew nang isugod sa ospital ng kaniyang mga magulang. At sa kalagitnaan ng ginagawang pag-revive sa sanggol, humingi ng tulong ang kaniyang mga magulang via video call sa isang faith healer na kung tawagin--si Master Jadu.
Kuwento ng mag-asawang Joy Vivas at Vince Acosta, hindi na gumagalaw, wala nang buhay at pulso ang kanilang anak habang sinasagip ng mga tauhan ng ospital.
Dahil sa takot na baka tuluyang mawala na sa kanila ang anak, tinawagan ni Vince ang kaniyang tiyuhin na si Master Jadu, na kilalang faith healer sa Aklan.
Dating OFW sa South Korea si Master Jadu, at mayroon din umanong Korean na natulungan na gumaling matapos na ma-comatose sa ospital ng ilang buwan.
May kakayanan din daw si Master Jadu na magbigay ng orasyon sa kanilang agimat, at kaya rin niyang manggamot ng mga kinukulam o sinasaniban.
Nang araw na isugod sa ospital si Baby Matthew, nag-video call si Vince sa kaniyang tiyuhin na si Master Jadu para humingi ng tulong na iligtas ang kaniyang anak.
Ipinatapat daw ni Master Jadu sa noo ng sanggol ang cellphone at doon ay dinasalan niya ito at hiningi sa "Ama" na ibalik ang hininga at bigyan ng pangalawang buhay ang bata.
Laking tuwa raw ni Vince nang madinig na biglang umiyak si Baby Matthew at kaagad din na inasikaso ng mga staff ng pagamutan ang sanggol.
Pero mayroon nga bang himalang nangyari sa sinasabing dasal na ginawa ni Master Jadu kaya umiyak ang sanggol? Ano ang paliwanag ng mga tauhan ng ospital sa nangyari kay Baby Matthew? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News