Hinangaan at nakapukaw ng damdamin ng netizens ang palitan ng mensahe ng isang nag-aalalang ina at 18-anyos na anak na delivery rider na nagsisikap magtrabaho para sa kaniyang pamilya.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing kabilang ang 18-anyos na si Jude Martin Negrido, sa mga delivery rider na hindi tumigil sa trabaho kahit malakas ang ulan at baha na sa maraming kalsada.
Noong July 23, nag-text ang ina Jude upang alamin kung nasaan siya para susunduin na lang at huwag nang maghatid ng produkto.
Sumagot naman si Jude na, “Kaya pa ma hahahaha iloveyou,” at sinamahan niya ng selfie na may matamis na ngiti.
Ayon kay Jude, sadyang kailangan niyang maihatid ang lahat ng dapat niyang maihatid nang araw na iyon para makuha niya ang "performance incentive" na P15 sa bawat produkto.
“Hinahabol ko po talaga ’yung performance namin,” saad niya.
Kailangan daw niyang magpursige na kumita para makatulong sa pamilya dahil naapektuhan ng pandemya ang trabaho ng kaniyang ama, at mayroong sakit sa puso ang kaniyang ina.
Bukod sa hirap ng trabaho, may kaakibat na panganib sa kalsada ang ginagawa ni Jude.
Katunayan, may isang kasamahan si Jude na nasagasaan kamakailan at pumanaw.
Kailangan din nilang pakisamahan ang mga konsumer na nagagalit kapag naatraso sila ng paghatid ng produkto.
Kaya hiling niya, pang-unawa.
Kung minsan, nakararamdam ng pagod at hirap si Jude pero handa niyang harapin ang mga pagsubok sa buhay.
“Minsan, parang, bakit po ganito? Pero sabi ko okay lang po, ganito binigay ni God eh. Parang challenge na rin po ito. Mas maganda po kahit mahirap ka labanan mo yung hirap,” sabi niya.
Pangarap ni Jude na maging pulis, kaya nag-enroll na siya sa criminology sa darating na pasukan.
At habang nag-aaral, ipagpapatuloy pa daw niya ang pagiging delivery rider. – FRJ, GMA News