Dinadasalan at inaalayan ang isang baka na dalawa ang ulo nang isilang sa Bihar sa East India, na pinaniniwalaan ng mga residente roon na magwawakas ng COVID-19 pandemic.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing paniwala ng mga residente ng Katihar village na regalo ng kanilang mga diyos ang baka para matapos na ang pandemya.
Ang iba naman, naniniwalang reincarnation ang baka ni Lord Vishnu o ni Lord Lakshmi, na mga pangunahing Diyos sa Hinduismo.
Isinilang ang kakaibang baka noong Mayo 21 at matapos nito, daan-daang mga tao na ang bumisita sa lugar para dasalan ang hayop.
Itinuturing na sagrado ang mga baka sa India dahil sa Hindu mythology, ang baka ang kasa-kasama ng maraming diyos.
May mga grupo sa India na nagbibigay ng proteksyon at kumikilala sa mga baka bilang mga "divine being."
Ang kondisyon ng pagkakaroon ng dalawang ulo ng baka ay tinatawag na polycephaly, na nangyayari kung ang kambal na embryo ay hindi maayos na nakapaghihiwalay sa loob ng sinapupunan. --FRJ, GMA News