Isang buntis ang napilitan na manganak sa labas ng isang ospital sa Sta. Maria Bulacan makaraang hindi siya tanggapin sa pagamutan dahil daw sa kawalan ng swab test.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ng live in partner ng ginang na ayaw silang tanggapin ng ospital dahil wala silang maipakitang swab test result.
Hindi rin daw pumayag ang ospital na isunod na lang ang swab test at hayaan munang makapanganak ang ginang dahil nagla-labor na ito.
Sa kabila ng panganganak sa labas ng ospital, maayos naman daw ang kalagayan ng mag-ina.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng ospital.
Ayon sa ulat, base sa patakarang ng Department of Health, kasama sa rekisito sa mga buntis bago manganak ang swab test result.
Pero sinabi noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat tanggapin ng mga ospital ang lahat ng pasyente.--FRJ, GMA News