Gaano nga kaya katotoo na may isang uri ng ibon sa Bohol na kayang lumikha ng iba't ibang uri ng tunog o huni. Pero sa sandaling madinig daw ang huni nito, may kaakibat itong masamang balita dahil mayroon umanong mamamatay?
Kung marami ang nare-relax sa huni ng mga ibon dahil nagpapahiwatig ito ng ganda ng kalikasan, may isang uri daw ng huni na kinatatakutan ng ilang residente sa Duero sa Bohol--ang huli ng ibong Pungaw.
Sa lakas daw ng paiba-ibang tunog ng huni ng ibon, dinig daw ito sa buong barangay.
Kabilang daw sa huni na kayang gawin ng Pungaw ay tunog na tila babaeng sumisigaw, kung minsan naman daw ay tila baboy, o kaya ay batang umiiyak.
Ang 82-anyos na si Lola Laling, bata pa lang daw ay nadidinig na ang nakakakilabot na huni.
Noong 2009, nang madinig niya ang huni ng pungaw, dalawang kaanak niya ang namatay.
Pero nitong nakaraang buwan, nadinig muli sa barangay ang nakakakilabot na huni.
At sa unang pagkakataon, mapapakinggan ang sinasabing huni ng pungaw dahil may nakapag-record nito.
Alamin sa video na ito ng "KMJS" kung ano ang hitsura ng pungaw at kung totoo na sa ibong ito nanggagaling sinasabing magkakaibang tunog. Nagkatotoo kaya ang pangamba ng mga taga-barangay na may mamamatay sa kanilang lugar nang madinig nilang muli ang pungaw? Panoorin.
--FRJ, GMA News