Nabalot ng kababalaghan ang isang litrato na kinunan mula sa isang kampo sa Camarines Norte kung saan nangyari ang isang madugong engkuwentro. Kaluluwa nga kaya ito ng isa sa mga pulis na nasawi na nakasagupa ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army?
Sa report ni Darlene Cay sa "Brigada," may makitang tila anino ng lalaking nakatayo at may hawak na baril sa naturang kampo.
Ayon sa isang pulis na nakadestino sa 2nd Camarines Norte Police Mobile Force Company, at siyang kumuha ng misteryosong larawan noong Marso 27, 2021, wala namang ibang tao sa tent noong mga oras na iyon.
Naganap ang sagupaan Marso 19 ng 10 p.m. ng gabi, kung saan limang pulis ng 1st Platoon ng 2nd Camarines Norte Police Mobile Force Company ang nasawi.
Isa na rito si Patrolman Benny Bacurin, 31-anyos ng Vinzons, Camarines Norte.
Ayon kay Melody Bacurin, naka-chat pa niya ang kaniyang kapatid ilang oras bago ang engkuwentro.
"Kung alam ko lang po talaga chinat ko na siya nang chinat noon para malaman ko rin kung ano ang nangyayari sa kanila roon," naiiyak na paglalahad ni Melody.
Pighati rin ang naramdaman ni Bienvenida Bacurin sa pagkawala ng kaniyang anak, na pumanaw ilang araw bago siya magdiwang ng kaniyang kaarawan.
Nang makita ang misteryosong larawan, hindi naging malinaw kay Melody kung ito nga ang kaluluwa ng kaniyang kapatid. Gayunman, may iba siyang naramdaman noong gabi nang mangyari ang engkuwentro.
"Magti- 3 a.m. para po akong ginisingan. Kuha ako agad ng cellphone ko, chinat ko po 'yung kapatid ko sabi ko 'Toy kumusta na diyan? Magreply ka,' pero wala na pong nagre-reply... Kinakausap ko po siya 'Toy paramdam ka sa akin. Kahit ipakita mo lang sa akin kung ano 'yung totoong nangyari diyan sa inyo sa Dumagmang,' walang paramdam," ayon kay Melody.
"Sabi nga po sa amin ng mga pinsan namin 'Siguro ate kaya hindi pa sa'yo si Tutoy nagpaparamdam kasi may galit ka pa, hindi mo pa tanggap 'yung nangyari sa kaniya," dagdag ni Melody.
Alamin ang paliwanag ng iba't ibang mga eksperto tungkol sa misteryosong larawan. --FRJ, GMA News