May iba na nagrereklamo kapag mahaba ang pangalan o madami ang magkakasamang pangalan na ibinigay ng magulang dahil mahirap nga namang isulat. Pero papaano pa kaya kung higit sa 40 ang naging pangalan mo?
Kilalanin si Ratziel San Juan, na ang buong pangalan--Ratziel Timshel Ismail Zerubbabel Zabud Zimry Pike Blavatsky Philo Judaeus Polidorus Isurenus Morya Nylghara Rakoczy Kuthumi Krishnamurti Ashram Jerram Akasha Aum Ultimus Rufinorum Jancsi Janko Diamond Hu Ziv Zane Zeke Wakeman Wye Muo Teletai Chohkmah Nesethrah Mercavah Nigel Seven Morningstar A. San Juan CCCII.
Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," aminado si San Juan na nahirapan siya noon sa pagsusulat ng kaniyang buong pangalan dahil hindi niya makabisa sa sobrang dami.
Ang ginagawa niya, gumamit siya ng shortcut na pangalan sa ID.
Pero sa mga official document na kailangan buo ang pangalan, nagka-cut and paste na lang siya kung puwede.
Katunayan sa pasaporte, dalawang pahina raw ang kinain ng buo niyang pangalan.
Sa birth certificate naman, nagkakapatong-patong ang kaniyang pangalan na inaakala ng marami ay nagkaroon ng problema sa printing.
Kaya kung minsan, kailangan pa niyang gumawa ng affidavit para patunayan na totoo ang nakasaad sa kaniyang birth certificate.
Pero bakit nga ba napakahaba ng pangalan na ibinigay sa kaniya at may plano kaya siyang papalitan ito nang maigsi? Panoorin ang video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News