Dahil sa mahirap na buhay, walang maayos na tirahan ang isang ginang at kaniyang pamilya sa Tagum City, Davao del Sur. Kaya naman nang malaman niya ang tungkol sa housing project ng lokal na pamahalaan para sa mga kapus-palad. Kaagad siyang nagbakasali at nag-aplay.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing sa murang hulog na P300 kada buwan na tatagal ng ilang taon, magkakaroon ng disenteng tirahan ang mga aplikanteng maaprubahan.
Para sa isang katulad ng 65-anyos na ginang na maliit lang ang bahay na yari sa pinagdugtong-dugtong na kahoy at trapal, at nasa gilid pa ng ilog, ang naturang proyekto ang nakita niyang magiging sagot sa kaniyang pangarap na mabigyan ng maayos na tirahan ang kaniyang anak.
Isang araw nitong nakaraang buwan, inihanda ng ginang ang mga kailangan na papeles at inilagay niya sa bag para lakarin ang kaniyang aplikasyon.
Pero ang sumunod na tagpo, nakita na lang ang ginang na umaakyat sa tore na may taas na 120 talampakan. Bitbit niya ang kaniyang bag na may laman ng kaniyang mga dokumento.
Ayon sa paunang ulat, sinasabing ang dahilan ng pag-akyat ng ginang sa tore ay dahil sa matinding sama ng loob nang hindi umano maaprubahan ang kaniyang aplikasyon.
Makaligtas kaya sa kapahamakan ang ginang at papaano kaya siya mahihikayat na mapayapang bumaba sa tore? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News