Matagal na panahon nang usap-usapan sa San Franciso, Agusan del Sur ang sinabing halimaw sa Gibong river na isang kakaibang uri daw ng sirena na kung tawagin ay "Kataw." At nitong nakaraang Enero, pinaniniwalaan na isang batang naliligo sa ilog ang kaniyang naging biktima.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ikinuwento ni Mang Mario ang nakatatakot niyang karanasan sa kataw na pilit umanong niyuyogyog ang sinasakyan niyang bangka.
Kitang-kita raw niya ang hitsura ng kataw na pilit niyang hinahampas upang hindi nito tuluyang maitaob ang kaniyang bangka.
Hindi raw tulad ng karaniwang kuwento ng mga sirena na mapang-angkit ang ganda, ang kataw, hindi raw kaaya-aya ang hitsura, may mahabang buhok at makapal na kaliskis na tila janitor fish.
Maging ang ibang residente na umano'y nakakita sa kataw, iisa ang kanilang pagkakalarawan sa misteryosong nilalang.
Pero kung mapalad na nakaligtas si Mang Mario, hindi ang isang batang lalaki na siyam na taong gulang na hindi na nakita pa hanggang ngayon mula nang kunin ng "halimaw" noong Enero.
Ayon sa ina ng bata, pagtalon ng kaniyang anak sa ilog ay hindi na ito lumutang gayung marunong naman daw itong lumangoy.
Ang punong barangay, may ibang nasa isip kung ano ang posibleng namamahay sa mahaba at malalim na ilog.
Nagsagawa rin ng pagsusuri sa ilog ang mga taga-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at mayroon silang napansin marka sa ilog na hindi ito umano gawa ng tao. Kung ano iyon, tunghayan sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News