Apat na nakakulong sa Galas Police Station sa Quezon City ang pumuga nang umihi ang kanilang bantay. Ang isa pa sanang pupuga, nabulilyaso nang tila sumabit habang lumalabas sa nilagareng rehas.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV ang ginawang paghatak ng mga preso sa isang bakal sa rehas na kanilang nilagare.

Nang magkaroon ng puwang sa selde na puwede nang makalabas, isa-isang pumuslit ang mga preso habang umihi ang kanilang bantay kaninang madaling araw.

Ang ika-limang preso na tatakas, hindi tuluyang nakalusot matapos tila sumabit hanggang sa makabalik na ang kanilang bantay.

Kinilala ang mga nakatakas na bilanggo na Glenn Louie Limin, Ronald Buenafe, Marvin Incio at Joel Sanchez, na may mga kasong robbery at droga.

"May lumalabas na may ginamit na lagari. Nilagari nila yung selda, yung baba. Yung paglalagari maaaring kinaunti-kaunti, hindi isang araw lang 'yon," ayon kay Police Major Elmer Monsalve, QCPD-CIS Chief.

Patuloy na hinahanap ang mga tumakas na bilanggo habang inalis naman sa puwesto ang bantay na papanagutin sa nangyaring pagtakas.--FRJ, GMA News