Ang eksenang inakalang sa pelikula lang nangyayari, naganap daw sa tunay na buhay. Sa Calabria, Italy, isang babaeng negosyante ang biglang nawala noong 2016 at ngayon ay lumilitaw na pinatay ng mafia at ipinakain umano sa mga baboy ang kaniyang katawan.

Ayon sa ulat ng Agence-France Presse, ang naturang impormasyon na lumabas sa local media ay nagmula sa mga dating miyembro ng mafia.

Pinaslang umano si Maria Chindamo, 42-anyos noon nang mawala, dahil sa pagtanggi niya na ibigay ang kaniyang lupa sa kapitbahay na konektado sa mafia.

Isa lang umano si Chindamo sa listahan ng mga tao sa naturang rehiyon na biglang nawala.

Ayon sa dating miyembro ng mafia na si Antonio Cossidente, na nakikipagtulungan ngayon sa mga awtoridad, isang maimpluwensiyang miyembro ng 'Ndrangheta mafia ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen, batay sa transcript na inilathala ng regional news website Il Vibonese.

Ang impormasyon ay nakuha umano ni Cossidente nang makulong siya at makilala sa bilibid ang isang miyembro ng 'Ndrangheta mafia na si Emanuele Mancuso.

Nawala ang biktima isang taon matapos na magpakamatay naman umano ang asawa nito.

Iniulat ng Italian media na sinusuri ng anti-mafia police specialist ang isiniwalat ng dating miyembro ng mafia. — AFP/FRJ, GMA News