Hindi nakaligtas sa hacker ang credit card ni Senador Sherwin Gatchalian. Ang salarin, tila nagpaka-bondat matapos na umorder online ng P1 milyong halaga ng pagkain sa loob lang ng isang oras.
"My credit card has just been hacked! May nag order ng P1M worth of food sa Food Panda in less than an hour. Ano yan lauriat para sa buong barangay???" saad ni Gatchalian sa Twitter.
Ipinakita ng senador ang screenshot ng mga transaksiyon [apat]na ginawa ng hacker nitong Enero 5.
Nagkakahalaga ang transaksiyon ng mula P96,265 hanggang P356,517.
"The hacker managed to change my registered phone number so he got the OTPs. He knew what he was doing. I just don't know how he will eat a million worth of food," sabi pa ng senador.
Sa panayam ng Dobol B sa News TV, sinabi ni Gatchalian na hindi niya napansin ang mga notification sa SMS at e-mail nang tinangtangka pa lang ng hacker na palitan ang kaniyang phone number dahil nasa pagdinig siya ng Senado.
Nagtagumpay ang hacker at napansin ng senador na naagaw na ang kaniyang credit card.
"Bandang huli, mayroong isang transaction na nakalusot at Foodpanda na worth P60,000 so nagduda na ako doon, tinawagan ko 'yung Union Bank at inimbestigahan na nila kaagad," ayon pa kay Gatchalian.
Kaagad namang pinutol ng bangko ang credit card ng senador.
"Kaya ako magpa-file ng police report kasi kailangan din makausap 'yung Foodpanda para ma-trace nila kung sino nag-oorder at anong establisimyento ang pinag-oorderan," sabi ni Gatchalian.
Sinabi rin ng senador na hindi niya babayaran ang P1 milyon na naka-charge sa kaniyang credit card.
"Obviously hindi natin babayaran 'yun dahil hindi naman tayo nag-order. 'Yung mga ganitong cases, 'yung bangko ang nag-aabsorb at saka alam ko may insurance 'yan na pwede nilang i-claim,'' saad niya.
Idinagdag ng senador na susuriin niya kung may sapat na safeguard ang mga gumagamit ng credit card at iba pang uri ng online transaction. —FRJ, GMA News