Naghilera ng mga baso ng beer na may nakasinding kandila ang mga may-ari ng inuman at kainan sa Prague, Czech Republic para iprotesta ang sobrang higpit ng pamahalaan sa kanilang industriya sa harap ng kampanya para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 doon.
Sa ulat ng Agence France-Presse, dumadaing ang mga pub owner sa malaking lugi nila at pagkawala ng trabaho ng kanilang mga empleyado.
"We are here because we are really desperate and at the end of our tether, physically and mentally," ayon kay Jiri Janecek, nag-organisa ng protesta.
"In December, we tried to point out the difficult situation at the closed businesses and related organizations with links to this segment. The government ignored us," dagdag niya.
Humihingi rin sila ng dagdag na suportang pinansiyal sa pamahalaan para sa kanilang sektor.
Umabot umano sa isang kilometro ang linya ng mga baso na may kandila na nasa dalawa hanggang talong yarda ang layo sa isa't isa.
Bukod sa mga baso, naglagay din ang mga nagpoprotesta ng isang ataul na may kasamang pako na simbulo ng tuluyang pagkamatay ng kanilang mga negosyo.
Dahil sa pagtaas muli ng COVID-19 cases, iniutos Czech government na isara ang mga restaurant at mga inuman bago ipagdiwang ang Pasko.
Tinatayang mayroong 740,000 na COVID-19 sa naturang bansa, at 12,000 ang iniulat na nasawi.
Nagsimulang tumaas muli ang tinatamaan ng virus sa Czech noong Oktubre.--AFP/FRJ, GMA News