Dumulog sa pulisya ng Calasiao, Pangasinan ang isang 24-anyos na babaeng call center agent matapos umano siyang lokohin at pinerahan ng nobyo na nakilala niya sa social media. Ang biktima na taga-Metro Manila, bumiyahe pa sa Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan nitong Huwebes, sinabi ng biktima na hindi na binanggit ang pangalan, na basta na lang siya pinaalis ng lalaki matapos ang kaniyang malayong biyahe.
"Sana huwag siyang ganun kasi imagine mo travel ko from Metro Manila to Pangasinan nang walang travel pass. Ang dami kong pinagdaanan, sobrang pagod ako tapos papalisin lang ako sa kanila," reklamo ng biktima.
Ayon sa pulisya, biktima ng love scam ang babae, isang uri ng modus na pinapaibig ang biktima at hihingan ng pera.
Bagaman nakararamdam pa rin ng galit, wala na raw balak ang babae na magsampa pa ng reklamo laban sa itinuring niyang nobyo.
"Yung si jowa ko mahal na mahal ko talaga siya. Kahit ang daming nagsasabi sa akin na pangit siya, napakaitim niya, pinaglalait po talaga siya. Sabi ko, napaka-gwapo ng jowa ko, sabi ko pa rin sa mga pulis kasi iba-iba naman tayo ng gusto sa isang tao 'di ba," anang biktima.
Kung itutuloy umano ng biktima na reklamo laban sa nobyo, maaari daw sampahan ng estafa ang lalaki dahil sa nanghihingi ito ng pera sa babae.
Paalala naman ng pulisya sa publiko, huwag basta magtitiwala sa mga taong nakikilala lang sa social media.
Tinulungan naman ng mga pulis ang biktima na makauwi pabalik sa Maynila. --FRJ, GMA News