Isang tila batang robot sa isang sports shop sa Osaka, Japan ang magalang na sinisita ang mga kostumer upang ipaalala ang pagsunod sa mga health protocol bilang pag-iingat sa COVID-19.
Ang robot na pinangalang 'Robovie' na ginawa ng Kyoto-based institute na ATR o Advanced Telecommunications Research Institute International.
Sa video, makikita si Robovie na lumapit sa isang babae na walang face mask at pinakiusapan niyang magsuot ng face mask.
May nilapitan din siyang dalawang babae sa shop na magkalapit at pinakiusapan niyang maglayo para maipatupad ang physical distancing.
Magalang din na nagpapakilala at nagpapaalam ang robot sa mga mamimili na kaniyang sinisita.
Tumutulong din ang robot sa mga kostumer para madali nilang makita ang produktong nais nilang bilhin.
Hindi naman nabanggit sa report kung ano ang gagawin sa mamimili kapag hindi sumunod sa pakiusap ng robot.
Mayroon 3D sensor at camera si Robovie para makita ang mga kostumer na kailangan niyang lapitan.
Ginawa si Robovie para siya ang lumapit sa mga kostumer bilang pag-iingat sa COVID-19.
Nito lang Nobyembre 11, sinimulang gamitin sa naturang shop si Robovie.--FRJ, GMA News