Namatay man ang kalahati ng katawan ni Romeo Menil dahil sa stroke, nanatili namang buong-buo ang kaniyang puso sa pagtulong sa kapwa. Si Mang Romy kasi, ibinigay sa City Hall ng Marikina ang naipon niya sa pamamalimos para makatulong sa mga biktima ng bagyong "Ulysses."
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa video si Mang Romy na hirap nang maglakad dahil sa nangyaring stroke sa kaniya apat na taon na ang nakararaan.
Hindi pa sana mapapansin ang kadakilaan ni Mang Romeo kung hindi dahil sa post sa Facebook tungkol sa isang good samaritan na nagtungo sa City Hall noong Lunes para personal na iabot kay Marikina Mayor Marcy Teodoro ang mahigit P12,000 na donasyon na kaniyang naipon sa panlilimos at napagbentahan ng alahas.
"Ang iniisip ko lagi tutulong ako," saad ni Mang Romy na simple rin lang ang pamumuhay.
Hindi raw batid ni Aling Agripina, ang ginawa ng kaniyang mister na nagbenta pa ng alahas para idagdag sa naipon niyang pera at nagtungo sa City Hall para ibigay ang donasyon.
Ang naipon na pera ay galing daw sa pamamalimos si Mang Romy mula nang matigil ang disability pension niya nang magkaroon ng lockdown.
Tutol ang kaniyang pamilya na mamalimos siya dahil sa pangambang madisgrasya siya at nakararamdam din ng hiya ang kaniyang anak.
"Kaya sabi ko kapag nakuha na natin ang disability mo stop ka na [sa pamamalimos," kuwento ni Aling Agripina.
Masayang sabi naman ni Mang Romy, na nakaramdam din siya ng hiya noong namalimos siya pero sinubukan lang naman daw niya.
Ang anak ni Mang Romy, proud na proud sa kaniyang ama dahil nagawa pa rin nitong tumulong sa kabila ng kaniyang kapansanan.
Sa sulat na natanggap ni Mang Romy mula kay Mayor Marcy dahil sa kaniyang donasyon, nakasaad na "Salamat po Mang Romy. Mabuhay po kayo!" —FRJ, GMA News