Sa halip na cellphone, bato ang natanggap ng isang ama matapos siyang mag-order online para sana sa distance learning ng kaniyang anak.
Sa ulat ni JM Encinas sa "Stand For Truth," ikinuwento ni Alfred Obien na agad niyang binuksan ang package matapos itong matanggap mula sa delivery boy.
“Tapos nu'ng bini-video na namin ‘yung pag bubukas, ayun nga nakita nu'ng nag-deliver, marami kaming naka-ikot doon kasi may mga pulis din, tapos mga tauhan ng munisipyo, mga barangay, ‘yun nga pag-open namin, pagbukas nu'ng kahon, bato ‘yung laman nu'ng box hindi cellphone,” anang magulang.
Sa kabutihang palad, cash on delivery ang pinili niyang mode of payment kaya hindi niya binayaran ang P8,000 na halaga ng padala.
Dahil dito, umiwas muna si Obien na bumili sa online.
“Ngayon hindi ko na lang binayaran ‘yung cellphone. Siguro bahala na ‘yung delivery o ‘yung courier na ‘yan. Buti pala binuksan mo na dito, paano kung excited ka na na dala mo na sa bahay mo pagbukas mo ganyan ang laman,” sabi ni Obien.
“Bale ngayon hindi na muna ako nag a-attempt na mag-online parang nadala ako,” dagdag pa niya.
—LBG, GMA News