Mula sa mga maliliit na bitak sa lupa, naging malawak at malalalim na uka na ang mga ito sa isang lugar sa Lemery, Batangas matapos manalasa ang bagyong "Rolly."

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing ikinagulat ng mga residente ng Brgy. Mataas na Bayan ang mga malalaking uka sa gitna ng taniman nitong Lunes ng umaga.

Batay sa pagtaya ng Municipal Engineering Office ng Lemery, ang pinakamalaking butas ay may habang 12 metro, lalim na anim na metro at tatlong metro ang lapad.

Nilagyan ng kurdon ang mga butas para walang madisgrasya.

Sinabi ni Engr. Ernesto Hernandez na plano ng lokal na pamahalaan na tambakan ng lupa ang mga bitak para walang mahuhulog sa mga ito.

Inilahad naman ng mga residente na nagsimula lamang ang mga malalaking butas sa mga maliliit na bitak na dulot ng mga paglindol matapos pumutok ang Bulkang Taal.

Pero dahil sa pag-ulan dala ng bagyo, lumala pa ang mga ito.

Ayon naman kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, natural lamang ang mga butas dahil maaaring lumalim pa ang mga fissure at lumawak kapag bumigay ang ilalim ng lupa dahil sa pag-ulan.

Dagdag pa niya, hindi rin dapat mangamba ang mga residente kundi iwasan lang ang mga butas.

Wala ring nakikitang problema si Solidum sa plano ng municipal office na tambakan ng lupa ang mga bitak dahil nasa taniman naman ang mga ito at malayo sa mga kabahayan.

Ngunit hindi naman inirerekomenda na magtayo estruktura sa mga uka na tatambakan ng lupa. --Jamil Santos/FRJ, GMA News