Kahit apat na taon na mula nang pumanaw si Charie, lagi pa rin daw itong napapanagipan ng kaniyang kapatid na si April. Hanggang sa isang araw, naghanap si April ng mga lumang bagay ni Charie hanggang sa makita niya damit na laging suot ng namayapang kapatid sa panagip.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi ni April na ilang araw bago ang kaarawan ng isang anak ni Charie, muli niyang napanaginipan ang kapatid.
At habang naghahanap siya ng lumang larawan ng kapatid, nakita ni April ang damit na nakikita niya sa panaginip na suot lagi ni Charie.
Nang kunin niya ang damit, may nakapa sila sa bulsa nito na alahas, pera at sulat na para sa tatlong anak ni Charie.
Sadya palang itinabi ni Charie ang pera at alahas para sa pag-aaral ng kaniyang mga anak at pagsisimula ng negosyo.
Dahil sa biglaan ang pagpanaw ni Charie dahil sa aneurysm, marahil ay hindi na niya nasabi sa mga anak ang kaniyang itinabi.
Kahit nasa kabilang buhay na si Charie, hindi malilimutan ng kanilang mga anak ang pagiging mapagmahal niyang ina.
Kahit nahihirapan, nagtitinda raw ng siomai si Charie sa kalye.
“Ang init-init, lalabas siya. Hindi siya nahihiya, basta kumain kami. Parang masakit na nahihirapan ‘yung mama mo para lang kumain kayo,” ayon sa anak niyang Herica.
Bukod dito, isa ring mananahi si Charie.
“Maghahanap siya ng tela sa tiangge tapos siya na magtatahi para makatipid siya. Nagtahi siya ng mga kurtina, mga damit naming magkakapatid,“ dagdag pa niya.
Taong 2011 daw nang tumigil sa pagiging mananahe si Charie, ayon sa anak niyang si Tim.
“Ang ginawa po niya nu'n sa sewing machine, tinago po niya sa bodega. Para kasing kayamanan ni Mama ko para sa kanya 'yon," ani Tim.
Tanong 2015, nang matuklasan na mayroong myoma si Charie at inoperahan. At kasunod nito ay nagkaroon siya ng aneurysm at pumanaw pagkaraan ng ilang araw.
Mula nang mawala ang ina, aminado si Tim na naging mahirap ang kanilang buhay.
Kaya naman laking pasasalamat nila nang makita ang iniwan para sa kanila ng kanilang ina.
Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang buo at talaga namang pambihirang kuwento.--FRJ, GMA News