Laking dismaya ng isang babae nang malaman niya na ang pinakahihintay niyang ayuda mula sa Social Security System (SSS) na P16,000 ay napunta sa ibang tao. At ang naturang ayuda, nagastos na.
Idinulog ni Sarah, hindi niya tunay na pangalan, sa segment ng GMA News "24 Oras" na Sumbungan ng Bayan, ang nangyaring pagkawala ng inaasahan niyang tulong pinansiyal ngayong panahon ng pandemya.
Napag-alam na noong Mayo pa sana natanggap ni Sarah ang ayuda sa ilalim ng Small Business Wage Subsidy Program ng SSS.
Bagaman nakatanggap umano ng mensahe si Sarah tungkol sa matatanggap na ayuda, wala namang pumasok na pera sa kaniyang account.
Huli na nang malaman na ang naturang ayuda ay napunta kay Junahlyn Medija, na dating nagtatrabaho sa employer ni Sarah.
Ayon kay Fernan Nicolas, tagapagsalita ng SSS, ang employer ni Sarah ang nag-apply at nagbigay ng mga detalye tungkol kay Sarah.
Aminado naman si Medija na natanggap niya ang ayuda at nagastos na niya dahil sa akalang para talaga iyon sa kaniya.
Handa naman daw si Medija na ibalik ang pera pero hindi niya ito kayang bayaran nang agad-agad dahil gipit din siya ngayon.
Patuloy naman daw na iimbestigahan ng SSS ang nangyari upang alamin kung sinadya o talagang nagkaroon lang ng pagkakamali kaya naipasok sa ibang tao ang pera.--FRJ, GMA News