Nag-viral sa social media ang ilang kapalpakan umano sa modules na ginagamit sa home schooling tulad ng larawan ng kuwago (owl) pero ang nakasulat ay ostrich; pagpili ng kulay sa larawan gayung black and white ang nakalagay; at pagpili ng ingay ng eroplano na wala naman sa pagpipilian.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, may nakasaad din na ang letrang “L” ay para sa salitang “rabbit.” May nagpapaguhit din ng mga bituin ayon sa nakasaad sa kahon gayung ang numero na nakasaad ay daan-daan at nasa labas pa ng kahon.
Pero ayon kay DepEd undersecretary Diosdado San Antonio, hindi pa nila batid kung galing sa kanila ang mga module na nag-viral sa social media dahil may sarili ring module ang mga pribadong paaralan.
“Kasi ‘yung lahat ng pino-post sa social media, ang perception ng tao, kasalanan ni DepEd. But may mga naa-identity kami na hindi naman sa amin,” sabi ni San Antonio.
Matatandaan minsan na rin nag-viral ang module na nagsasaad ng mga pangalan na "double meaning" o may kabastusan, at lumitaw na galing sa pribadong paaralan at hindi sa DepEd.
Sa kabila nito, humingi na rin ng paumanhin ang kagawaran dahil nakalusot sa kanilang quality assurance protocols ang mga sablay sa modules.
“Sincerest apologies sa mga na-o-offend o sumasama ang loob na hindi namin ito nape-perpekto. Sa ngayon po talaga hindi pa operational ‘yung pinaka ideal naming quality assurance mechanism,” ayon kay San Antonio.
Ayon sa DepEd, may mga centrally certified self-learning modules (SLMs) na ginagawa ng mga master teacher, supervisors, at specialists sa DepEd Central Office.
Pero dahil sa kakulangan ng panahon, iniatas ng Central Office ang tungkulin sa regional offices. Pero dapat pa rin ibalik ang mga module Central Office para masuri bago ipamahagi.
“‘Yun nga nagko-cope lahat. Overwhelming talaga, hindi naman tayo nagrereklamo. Ang dami naming kailangang tapusin, kulang sa time,” paliwanag ni San Antonio.
Dahil dito, nanawagan ang DepEd sa mga eksperto sa kurikulom na magboluntaryo na tumulong sa pagwawasto ng mga mali sa mga leksiyon.
Nakiusap din sila sa mga nagpo-post ng mali sa modules na alamin kung saan galing ang mga ito para mahanap at nang maitama kaagad. --FRJ, GMA News