Nakunan sa CCTV ang pag-atake ng isang malaking toro sa isang mag-lola habang nasa eskinita sa Mahendragarh, India.

Sa video ng GMA News and Public Affairs, makikita sa CCTV na naglalakad lang ang 70-anyos na lola nang bigla siyang suwagin ng isang toro.

Napahandusay ang lola sa harap ng isang bahay at nanatiling nakatumba.

Ang toro, tila minamasdan naman ang kaniyang biktima kung gagalaw.

Sumaklolo naman ang kaniyang apo na tumakbo patungo sa kaniyang lola. Pero siya naman ang sinuwag at sinipa pa ng toro.

Pinilit ng bata na umiwas habang inaabot ang kaniyang lola at pilit na itinayo.

Pero bago pa makaalis ang mag-lola, muli na naman silang sinuwag ng toro at pareho silang bumagsak.

Lumabas sa ulat na tatlo ang nasugatan sa nangyaring pag-atake ng toro. Nagtamo ng bali sa kamay ng lola dahil sa insidente.

Naitala sa India ang mga insidente ng cattle attack sa mga nakalipas na taon dahil sa kawalan ng maayos na kulungan ng mga baka, toro at iba pang hayop.

Itinuturing na sagrado sa mga Hindu ang mga baka kaya ipinagbabawal ang pagkatay nito sa ilang lugar sa India.--FRJ, GMA News