Nakakita umano ang mga awtoridad sa China ng novel coronavirus sa packaging ng imported frozen seafood na nanggaling sa daungan ng Dalian City, na nagkaroon kamakailan ng outbreak.
Nakita umano ang virus sa outer packaging ng frozen seafood na nabili ng tatlong kompanya sa Yantai, isang port city sa eastern Shandong province.
Sa isang pahayag, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Yantai, na ang mga seafood ay imported shipment na dumating sa Dalian pero hindi naman masabi kung saan nagmula.
Nitong Hulyo, inihayag ng mga customs officer sa Dalian, isang major port sa northeastern province ng Liaoning, na may nakita umanong coronavirus sa packaging ng frozen shrimps na inangkat sa Ecuador.
Kasunod nito ay sinuspindi ng China ang pag-angkat sa tatlong Ecuadorean shrimp producers.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Yantai, ilan sa seafood na nabili ng tatlong kompanya ay naproseso na para i-export, habang ang iba ay nanatili sa cold storage.
Gayunman, hindi binanggit ng isang tauhan ng coronavirus outbreak response unit ng Yantai kung nailabas ang mga naprosesong seafood.
Isinailalim na umano sa quarantine ang mga kawani na nakahawak sa kontaminadong seafood at negatibo rin sila sa coronavirus test.
Ang pinakahuling outbreak ng coronavirus sa Dalian city ay nangyari umano noong July, at ang unang kaso ay nagtatrabaho sa isang seafood processing company.
Nitong Agosto 9, iniulat na may 92 kaso ng coronavirus sa Dalian.
Pinaniniwalaang nagmula ang novel coronavirus sa isang pamilihan sa Wuhan City sa China na nagbebenta ng mga seafood at hayop noong huling bahagi 2019.
Kasunod nito ay tuluyan nang kumalat sa iba't ibang panig ng mundo ang virus.--Reuters/FRJ, GMA News