Isang lungsod sa southern Sweden ang naisipan na gumamit ng dumi ng mga manok para itaboy ang mga tao at hindi magkumpulan sa kanilang central park nang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019.

Sa ulat ng Reuters, sinabing iniutos ng alkalde ng Lund City ang paggamit ng dumi ng mga manok dahil na rin sa idaraos na taunang kapistahan sa kanilang lugar na "Walpurgis Night."

Sa halip kasi na ipagbawal ang pagdiriwang ng kapistahan, hinihikayat na lang ng lokal na pamahalaan ang mga tao na iwasang magkumpulan at ugaliin ang pagpapatupad ng social distancing.

Paliwanag ng alkalde ng lungsod na si Philip Sandberg, mabisang paraan ang dumi ng manok para itaboy ang mga tao at may  magandang epekto pa sa pananim sa parke.

"We don't want Lund to become some kind of an infection epicentre. Chicken manure has two effects- firstly it will smell which means that it won't be particularly nice to sit here behind me in the park today and have a picnic in the grass but it's also good for the lawn and good for the park," paliwanag ng alkalde.

It contains a lot of nitrogen and phosphorus so we're taking the opportunity to do a lot of maintenance work in the park today," patuloy niya.--Reuters/FRJ, GMA News