Arestado ang isang 19-anyos na kolehiyala sa Cebu CIty matapos na mabisto ng mga awtoridad na siya umano ang nasa likod ng bomb threat sa Cebu Technological University (CTU) Main Campus noong October 21, 2024.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, lumitaw na first year student sa nasabing unibersidad ang suspek.
Hindi nagpaunlak ng panayam ang suspek pero nagsisisi umano ito sa kaniyang ginawa.
Matapos mangyari ang bomb scare, nagsagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation-Central Visayas Regional Office (NBI-CEVRO), katuwang ang NBI- Manila Anti-Cybercrime Division, at natunton ang suspek.
Ginawa ng suspek ang pananakot sa pamamagitan ng post sa social media na may larawan ng bomba na inilagay umano sa paaralan. Ibang pangalan din ang ginamit ng suspek.
Idinahilan umano ng suspek na nagpuwersa lang sa kaniya na gawin ang pananakot pero hindi niya tinukoy kung sino.
Nahaharap ang kolehiya sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o Bomb Joke/Threat Law and Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. -- FRJ, GMA Integrated News