Sa mga nagbebenta ng pinaglumaang cellphone, mag-ingat at tiyaking walang nakalagay na mga pribadong larawan at video na maaaring magamit ng taong makakakuha ng cellphone upang kayo ay makikilan o bigyan ng problema.
Sa Sumbungan ng Bayan ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, inaksyunan ang sumbong ng isang babae na itinago sa pangalang "Melissa," ang ginawang pangingikil sa kaniya ng pera ng taong nakakuha ng kaniyang ibinentang cellphone at nagkaroon ng access sa pribadong larawan at video nilang magnobyo.
Kuwento ng biktima, nitong Enero niya ibinenta ang kaniyang lumang cellphone sa halagang halos P7,000.
"Sobrang natakot ako maam kasi grabe yung pagbabanta niya eh. As in, i-share ko ‘to sa school, i-ano ko ‘to sa magulang mo, sa mga kamag-anak mo. Actually, nagbigay siya ng screenshot, ise-send ko na ‘to dito. Kaya doon ako na-trigger na kailangan ko maghanap ng pera," kuwento niya.
Halagang P20,000 daw ang hinihingi ng taong nagpakilalang "Mean dela Peña" kapalit ng hindi pagkalat ng kaniyang maseselang larawan at video.
Hinala ni Melissa, nakuha ng suspek ang mga pribado niyang larawan at video dahil hindi na-logout ang social media account ng kaniyang nobyo sa naibenta niyang cellphone.
"Kasi naka-login yung account ng bf ko doon pero messenger lang. Nakita namin, may nag-login sa account ng bf ko and yung nag-login doon na cellphone," kuwento niya.
Inalam pa ni Melissa sa pinagbentahan niya ng cellphone kung may kaugnayan ito sa taong nanghihingi sa kaniya ng pera. Dito niya nalaman na nakipagpalitan ito ng cellphone sa kaniyang pinsan.
Umabot na mahigit P7,000 ang naipadalang pera ni Melissa sa nangingikil sa kaniya at kaniyang huling padala ay nagbigay ng pangalan ang suspek na Aileen Racimo, na siyang kukuha ng pera.
Nagkaroon naman ng paraan si Melissa para malaman kung nasaan ang suspek at dumulog na siya sa Sumbungan ng Bayan, na nakipag-ugnayan naman sa Anti-Cybercrime Team sa Quezon City Police District.
Sa isinagawang entrapment operation sa pagkuha ng padalang pera, nasakote si Racimo, pero hindi siya nagbigay ng pahayag.
Mahaharap si Racimo sa patung-patong na kaso, habang labis ang pasasalamat ni Melissa na natapos na ang bangungot na kaniyang dinanas dahil lang sa nakalimutang pagla-logout sa social media account na cellphone na kaniyang ibinenta.--FRJ, GMA News