Isang kongresista ang inaresto sa NAIA Terminal 2 nitong Huwebes ng gabi dahil nag-bomb joke daw.

Ayon sa PNP-Aviation Security Group, nagbiro si APEC Party-list Representative Sergio Dagooc na may bomba ang kanyang bagahe nang tanungin kung bakit mabigat ito.

Pinalaya rin si Dagooc matapos dumating ang kanyang abogado at ginamit daw na dahilan ang nasa Article 6 Section 11 ng Konstitusyon na may pribilehiyong hindi makulong ang isang mambabatas kapag ang kaso niya ay may parusang hindi lalagpas sa anim na taong pagkakakulong habang nasa sesyon ang Kongreso.

Hanggang limang taong pagkakakulong lang ang parusa sa mga lalabag sa anti-bomb-joke law.

Itinanggi naman ni Dagooc na ginamit niya ang kanyang posisyon para hindi maaresto. —JST, GMA News