Arestado na, bistado pa.
Ito ang nangyari sa isang wanted person sa Dasmariñas, Cavite na matapos madakip ay nabisto ang lungga sa ilalim ng kaniyang bahay kung saan siya nagtago ng mahigit isang taon. Ang sikretong pintuan patungo sa lungga, nahaharangan ng kulungan ng aso.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing pinaghahanap ng mga awtoridad si Ericson Isip dahil sa patong-patong na kasong murder, robbery-holdup, gunrunning at iligal na droga.
Ilang gabi umanong inabangan ng mga operatiba ng PNP-CIDG Cavite Provincial Field Unit si Isip na lumabas sa kaniyang bahay.
Kaya nang matiyempuhan, kaagad siyang inaresto at muling ibinalik sa kaniyang bahay para isilbi naman ang search warrant upang hanapin ang umano'y armas ng suspek.
Dito na nadiskubre ng mga awtoridad ang nagsilbing lungga ni Isip sa pagtatago ng halos higit isang taon.
Sa likod bahay ng suspek, nakita ang kulungan ng aso na kapag hinila ay tatambad ang lagusan pababa ng bahay.
"Kompleto lahat ng nasa ilalim. Mabubuhay siya ng kahit ilang araw doon na hindi nakikita. Ang pinto, tinakpan ng kulungan ng aso, walang lalapit kasi nga makakagat ng aso kung sino ang lalapit," sabi ni Police Colonel Lawrence Cajipe, Regional Chief-Calabarzon-CIDG.
Ikatlong most wanted sa buong Region 4-A umano si Isip dahil sa dami ng mabibigat na krimen na kinasangkutan niya.
Nakuha sa lungga ni Isip ang isang kalibre 45 na baril at mga bala.
Tumanggi naman siyang magbigay ng pahayag.-- FRJ, GMA News