Nagkasugat-sugat ang gilagid at halos maubos na ang ngipin ng isang 17-anyos na binatilyo matapos masabugan ng depektibong vape o electronic cigarette sa bibig.
Sa ulat ni Mariz Umali sa 24 Oras nitong Huwebes, pumapalya na raw ang baterya ng vape ng biktimang si King Sardea kaya nakipagkita ito sa isang ka-chat para makapagpalit ng baterya.
Matapos palitan ang baterya, sinubukan umano ng biktima kung gumagana ang vape pero bigla itong sumabog nang kanyang hithitin.
"Hindi yata match 'yung battery na nilagay doon kaya 'yun sumabog," sabi ng ina ng biktima.
Agad na naisugod sa ospital si Sardea pero kinailangan siyang ilipat sa East Avenue Hospital para mas matugunan ang kanyang kalagayan.
Inoobserbahan ng mga doktor kung makararanas ng kahirapan sa paghinga ang biktima. Maaari rin daw magdulot ng iba pang komplikasyon ang nangyari sa binatilyo.
Samantala, naglabas naman ng sama ng loob ang ina ng biktima dahil matapos niyang i-post sa social media ang nangyari sa kanyang anak para magsilbing babala ay umani pa raw ito ng mga komento mula sa mga "basher" na gumagamit din ng vape.
Bagamat isolated ang incident na ito, nagbabala naman sa publiko ang doktor na tumitingin sa biktima laban sa paggamit ng vape.
"Dangerous pa rin po siya, wala pa rin namang pinagkaiba siya dun sa smoking of cigarette. Anything which is not normally ini-intake ng katawan natin would be harmful for the person," sabi ni Dr. Jerome Urbina. — Dona Magsino/BAP, GMA News