May kasabihan na ang ginagawa ng matatanda ay ginagaya ng mga bata. Pero sa pagkakataong ito, ang mga mas nakatatanda ang gumaya sa cute at energetic na pagbati ng mga bibong grade one pupils sa kanilang guro sa Davao City.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, mistulang naging "good morning greetings" challenge na ang nag-viral na energetic na pagbati ng mga Grade 1 pupil ng Upper Sirib Elementary School sa Calinan, Davao city.
Matatandaan na marami ang natuwa dahil sa buhay na buhay at cute na cute na pagbati ng good morning ng mga batang mag-aaral sa kanilang guro at sa isa't isa sa kanilang silid-aralan.
Kaya naman pati ang mga grown-up, ginagaya sila tulad ng mga pharmacy students sa San Pedro College sa Davao City.
Tinapatan ng mga mas nakatatandang mag-aaral ang energy at ginaya ang kilos ng mga batang estudyante.
Ang ginawang katuwaang pagbating ng mga estudyante, kinagiliwan din naman ng kanilang mga guro kaya naman gagawin na raw nila ito araw-araw.
Hindi rin nagpahuli ang mga Grade 12 student mula naman sa Rizal High School sa Pasig City, na buhay na buhay din at todo-bigay sa kanilang pagbati sa guro.
Kuwento ng nag-upload ng video, natuwa rin daw ang kanilang guro sa naunang video ng mga batang mag-aaral sa Davao City kaya naisipan niya itong ipagawa sa klase.
Mas magiging masaya raw ang umaga kapag sinimulan kahit sa simpleng pagbati bilang pampagana. -- FRJ, GMA News