Nag-uwi na naman ng karangalan para sa Pilipinas ngayong Martes ang weightlifter na si Hidilyn Diaz, na nagwagi ng gintong medalya sa women's 53-kg. division sa 2018 Asian Games, ang unang ginto ng bansa sa kompetisyon.
Dumating ang panalong ito dalawang taon matapos ang kaniyang silver-medal performance sa 2016 Olympics sa Rio De Janeiro.
Pero mas mahaba pa riyan ang kuwento ng pagtatiyaga at pagpupursige ni Hidilyn upang maging champion weightlifter.
Taong 2009 nang unang itampok ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” si Hidilyn para sa kuwento tungkol sa mga babaeng weightlifter. Disi-osto anyos pa lamang siya noon at halos nagsisimula pa lamang siya noon bilang atleta.
Naabutan pa ng programa si Hidilyn na nag-iigib ng tubig nang sadyain siya sa kanilang tahanan sa Mampang, Zamboanga.
Sa lumang gym sa Zamboanga unang bumuo ng mga pangarap si Hidilyn, hanggang sa mabigyan siya ng pagkakataon na makasali sa iba’t ibang international competitions.
Nagsimulang gumawa ng pangalan si Hidilyn nang una siyang sumabak sa weightlifting event ng 2006 Asian Games. Bagama’t hindi nakasungkit ng medalya, umabot naman siya sa 10th place sa 53-kg. weight class.
Sa tulong naman ng kaniyang pagtitiyaga, naiuwi ni Hidilyn ang bronze medal sa 2007 Southeast Asian Games.
Bago pa manalo sa 2016 Olympics, sinubukan na rin niyang makipagtunggali noong 2008 sa Beijing at noong 2012 sa London, pero nabigo siya rito.
Sa pagkapanalo ni Hidilyn sa Olympics, nagdiwang ang buong bansa, lalong-lalo na ang ang mga kababayan niya sa Zamboanga. Pero wala na sigurong mas magiging proud pa sa mga magulang niyang sina Emelita at Eddie!
Napakalaki raw nang naitulong ni Hidilyn sa kanilang pamilya, lalo pa’t hirap daw talaga sila sa buhay.
Pagta-tricycle ang kabuhayan ni Mang Eddie at katuwang niya noon ang batang si Hidilyn sa paglilinis ng tricycle. Pati nga raw paglilinis ng jeep at pagbebenta ng isda sinubukan ni Hidilyn para lang makatulong sa kaniyang mga magulang.
“Sobrang hirap talaga ng buhay namin. Simula nang pumasok siya sa pagbubuhat, siya na ang tumulong sa aming pamilya. Lahat na, ibinigay niya sa amin,” kuwento ng inang si Emelita. —JST, GMA News