Nakaimbento umano ang mga engineer sa Chile ng environmentally-friendly plastic bag na puwedeng pamalit sa tradisyunal na plastik bag na hindi natutunaw.
Sa ulat ng Reuters, ipinakita ang tinatawag na "Solubag" na halos walang pinagkaiba ang hitsura sa karaniwang plastic bag na ipinagbabawal na sa maraming lugar dahil sa masamang epekto sa kapaligaran.
Ayon kay Roberto Astete, hindi tulad ng karaniwang plastic bag na hindi natutunaw, ang kanilang "solubag" ay nalulusaw sa tubig at walang maiiwang masamang epekto sa kapaligiran.
“What happens when the bag comes in contact with the water, the oxygen in the water, which is H2O, enters the chain of our bag, the polymer chain, extracting hydrogen,” paliwanag niya.
Patuloy ni Astete, "Therefore, what remains is the carbon, and some elements that we have added to the formula that are all approved by the FDA [Food and Drug Administration].”
Dahil wala umanong masamang epekto ang kemikal na nalusaw mula sa solubag, maaaring inumin ang tubig pero baka hindi raw maging kaiga-igaya ang lasa sa iba.
Umaasa sila Astete na makatutulong ang kanilang imbensyon para malutas ang malaking problema ng mundo sa plastic.
Plano rin nilang gumawa ng iba pang produkto na gawa sa plastic na maaaring lusawin kapag hindi na ginagamit tulad ng toothbrush. -- Reuters/FRJ, GMA News