Nahaharap sa reklamo ang isang dancer matapos niyang isubo ang ulo ng isang sawa at kagatin pa ang bibig nito sa gitna ng kaniyang pagtatanghal sa Greater Noida, India.

Sa isang video mula sa People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) - India, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang isang pagtatanghal kung saan iniabot sa dancer ang isang sawang nakasilid sa sako.

Ilang saglit lang, isinubo na ng dancer ang ulo ng ahas.

Makikitang nagpumiglas ang ahas, ngunit kinagat pa ng lalaki ang ibabang bahagi ng bunganga nito.

Inalmahan ng PETA ang pagtrato ng dancer sa ahas, at nakipag-ugnayan sa Gautam Buddh Nagar Forest Division para masagip ang sawa.

"The best way to revere snakes it to leave them alone in their jungle homes. Using snakes in roadside shows is cruel, illegal and disrespectful," sabi ni Virendra Singh ng PETA India.

Matapos nito, pinakawalan sa gubat ang 10 talampakang sawa at sinampahan ng reklamo ang dalawang dancer sa video dahil sa paglabag umano sa Wild Life Protection Act ng India.

Non-bailable ang reklamo at may parusang pagkakakulong ng tatlo hanggang pitong taon.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga dancer. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News