Isang security guard ng isang restaurant sa Pasay City ang kinaaaliwan ng netizens matapos mag-viral ang kaniyang video habang bigay-todo sa pag-assist ng mga kostumer na nagpa-park ng kanilang sasakyan.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, napag-alaman na sa kabila ng pagiging masayahin ng security guard na si Marlon Gordora, may lungkot din siyang pinagdadaanan.
Sa video, makikita ang pagiging tila "hyper" sa bawat kumpas at senyas na may kasamang pagpito para aalalayan ang kostumer sa pagparada ng sasakyan.
Ayon kay Marlon, wala siyang ibang nais sa kaniyang ginagawa kung hindi tuparin ang kaniyang trabaho at mapasaya ang mga tao.
Napag-alam na kilala si Marlon ng kaniyang mga katrabaho na sadyang masipag at punong-puno ng dedikasyon sa trabaho.
Katunayan, bago mag-duty bilang security guard sa umaga, tumutulong na rin siya maglinis, pagdidilig ng mga halaman at kung ano-ano pang mga bagay na puwede niyang maiambag.
At kapag walang pasok bilang security guard, suma-sideline siya sa pagbibenta ng mga health product.
Pero sa likod ng kaniyang sigla, may nagkakubling lungkot at pangungulila dahil hindi niya nakikita ang kaniyang anak na nasa Bicol.
Hiwalay na umano sila ng kaniyang asawa kaya pinapadala na lang niya ang kaniyang kinikita para sa anak.
Umaasa din siyang darating ang panahon na maitataguyod niya nang maayos ang kaniyang pamilya.-- FRJ, GMA News