Isang lalaki ang arestado matapos umanong magnakaw ng pera mula sa donation box ng isang simbahan sa Pagadian City, Zamboanga.
Ang suspek, nagtirik pa muna ng kandila bago niya gawin ang krimen.
Sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita sa CCTV ang pagpasok ng nakaberdeng damit na 23-anyos na suspek sa Santo Niño Cathedral Parish.
Matapos magsindi ng kandila, tinungo niya ang donation box sa likod ng imahen ng Birheng Maria nang makakuha siya ng tiyempo.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita ang paglabas ng suspek sa simbahan. Tangay na pala niya ang nasa P1,200 donasyon.
Ngunit hindi pa nakakalayo, dinakip siya ng mga pulis, dahil nahuli ng pamunuan ng simbahan sa CCTV ang kaniyang pagnanakaw. —Jamil Santos/NB, GMA News