Papaano nga ba babasahin at bibigkasin ang pangalan ng tatlong magkakapatid sa San Fabian, Pangasinan na Pzxydynn Yzzyr, Djyknyll Rysym at Dzywrygh Lynzh? Panoorin ang report na ito sa "Balitang Pilipinas."
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News TV "Balitang Pilipinas" nitong Huwebes, sinabi ni Jon-jon Tamayo na napagdesisyunan nila ng kaniyang asawa na si Mercedez na bigyan ng pambihira at kakaibang pangalan ang kanilang mga anak na hindi kagaya sa pangalan nilang simple.
Kaya ang ipinagalan nila sa kanilang mga anak, sina Pzxydynn Yzzyr, Djyknyll Rysym at Dzywrygh Lynzh.
"Napag-isipan naming dalawa na ano kaya kung gawin natin na iyong pinaka-unique na pangalan. Iyong walang katulad as in unique na unique talaga," kuwento ng ama.
Kamakailan, naging viral sa social media ang kakaibang pangalan ng magkakapatid nang may post ng ID ng tatlo.
Ayon sa panganay na si Pzxydynn Yzzyr, hindi naman sila nahirapan na magkakapatid sa pagkakaroon ng pambihirang pangalan.
Bagkos, ang mga guro at kaklase raw nila ang mas nahirapan dahil hindi nila malaman kung papaano bibigkasin ang kanilang mga pangalan.
Sabi ng isang kaklase nila na si Justin Mejia: "Siyempre po first time kong makakita ng name na walang vowels so sobrang weird like, paanong babasahin iyon."
Pero simple man o komplikado ang pangalan, ang mahalaga raw nahubog nang maayos ang karakter at pagkatao ng sinumang indibidwal, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News