Isang albularyo sa bayan ng San Pablo sa lalawigan ng Laguna ay hi-tech na at umano'y nagpapagaling sa kanyang mga pasyente sa pamamagitan ng social media, o "online healing" ang kanyang pamamaraan.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing gamit ang orasyon nagagamot ni Nick Banayo, online, ang kanyang pasyente.

Halimbawa nito, dinadasalan ni Banayo sa kanyang cellphone ang mga larawan ng baso ng tubig na ipinapadala sa kaniya ng pasyente.

Matapos inumin ng pasyente ang tubig sa basong kinunan niya ng larawan na ipinadala niya at dinasalan ng manggagamot, gumagaling umano ang ito.

"Bubugahan ko 'yon ng orasyon, hihipan ko 'yung cellphone mismo para pumasok du'n 'yung orasyon. Pag-inom na pag-inom nila, kakaiba 'yung nangyayari sa mga maysakit na hindi rin nila maipaliwanag," ayon sa albularyo.

Isa raw sa mga napagaling ni Nick sa pamamagitan ng social media si Jeraldine Kalaw.

Limang taon na umanong hirap sa paghinga, laging sumasakit ang dibdib at hirap pang makatulog si Jeraldine. Halos mabingi na rin daw ito.

Ayon sa mga doktor na kinonsulta ni Jeraldine, stress ang dahilan ng pananakit ng kaniyang dibdib at may impeksyon din siya sa tainga. Hindi gumaling si Jeraldine sa mga gamot, at lumaki lamang ang kaniyang gastos.

Dito na niya naisipang i-message si Nick.

"Sabi niya 'Sige kumuha ka ng isang basong tubig tapos kunan mo ng picture, i-send mo sa akin,'" pahayag ni Jeraldine.

Agad umanong gumaling si Jeraldine matapos inumin ang tubig na dinasalan ng albularyo.

"Hindi ko maramdaman 'yung katawan ko na nanginginig na hindi ko alam na nawawala na 'yung paninikip ng dibdib ko. Masakit 'yung tainga ko no'n. Unti-unting nawawala nang pagkainom ko ng healing water," ayon kay Jeraldine. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News