Nag-armas na ng airgun ang ilang residente at mayroon din umupa ng mga tao na huhuli at papatay sa mga bayawak na umaatake at namemerwisyo umano sa Pagalungan, Maguindanao.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing problemado ang mga residente na nag-aalaga ng mga hayop na manok at itik sa isang sitio sa nabanggit na bayan dahil sa pag-atake ng mga bayawak na Philippine Monitor Lizard, na humahaba ng tatlo hanggang limang talampakan.
Madalas na nakatago sa damuhan at kakahuyan ang mga bayawak na sumasalakay sa gabi para kainin ang mga alagang manok, itik at mga itlog nito.
Nagsimula raw dumami at mamugad ang bayawak sa lugar noong 2015.
Ang mga inupahang hunter, kumikita ng P500 at nagkakaroon pa ng libreng pagkain sa karne ng mahuhuling bayawak.
Pero babala ng isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR-Region 11), bawal na hulihin at patayin ang mga Philippine monitor lizard dahil kasama ito sa listahan ng mga hayop na endangered species o nanganganib na maubos.
Ayon kay Toto Lechoncito, DENR-Region11, halaman at mga karne ng hayop ang kinakain ng mga bayawak.
Posibleng dumami umano ang bayawak sa lugar dahil mayroong mga nag-aalaga rito ng hayop, at nasira ang natural na tirahan ng mga bayawak sa gubat.
Payo niya sa mga residente, mas makabubuting bantayan na lang nilang mabuti ang kanilang mga alaga o gumawa ng paraan upang hindi malapit ang bayawak sa mga alaga.
Pero sa kabila ng babala ng DENR, sinabi ng isang residente na mas mahalaga para sa kanila ang kanilang mga alagang manok dahil ito ang kanilang ikinabubuhay kaysa sa mga bayawak na itinuturing nilang perwisyo. -- FRJ, GMA News