Hindi inakala ng isang lalaki sa Lima, Peru na posas pala ang matatanggap niyang Valentines' Day surprise mula sa lalaking naka-costume ng cute na "capybara" na bumulaga sa kaniyang bahay.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video na isang lalaking naka-costume na "capybara," at isang babae ang kumatok sa bahay ng suspek at nagkunwaring may dalang sorpresa sa kaniya nitong Valentines Day.
Nang magbukas ng pinto ang suspek at harapin ang mga may dala sa kaniya ng sorpresa--na pawang undercover cops pala-- doon na siya sinunggaban ng "capybara" para arestuhin.
Ang suspek, sangkot umano sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga. Pero itinanggi niya ang mga paratang.
Gayunman, nang halughugin ang kaniyang bahay, nakita ang mga naka-repack na cocaine at marijuana na aabot sa 1,700 na pakete.
Ang naturang operasyon, isinagawa ng Green Squadron ng Peruvian Police, na kilala sa kakaibang anti-illegal drug operations. Nagsusuot kasi ng iba't ibang costume ang kanilang mga undercover agent kapag may aarestuhing suspek.
Isinasabay din nila ang operasyon sa mga okasyon na tutugma sa costume na isusuot ng kanilang operatiba para hindi makahalata ang kanilang target.
Sa pagkakataong ito, sinamatala nila ang Valentines Day at kunwaring maghahatid ang regalo ang mga undercover cops, kasama na ang naka-costume. --FRJ, GMA Integrated News