Tatlo ang isinugod sa ospital matapos na magtamo ng tama ng bala ng baril sa isang hinihinalang road rage incident sa Antipolo City nitong Linggo. Tumakas ang suspek na sakay ng SUV pero nadakip matapos tugisin ng mga awtoridad.

Sa inilabas na pahayag ng Antipolo police, nangyari ang insidente dakong 5 p.m. sa gilid ng Marcos Highway sa bahagi ng Barangay San Jose.

Kinilala ang mga biktima na sina:

"Peter", 52-anyos na negosyante na nagtamo ng sugat sa ulo,

"Patrick", 22-anyos na college student na nagtamo ng sugat sa braso, at

"Davis", 29-anyos na nagtamo ng tama sa dibdib.

Dinala ang tatlo sa Cabading Hospital.

Bagaman may ulat at impormasyon na nasugatan din ang misis ng suspek sa ginawa nitong pamamaril, wala pang inilalabas na pahayag tungkol dito ang pulisya ng Rizal.

“Nahuli ang suspect na nambaril ng kaniyang mga naka-alitan sa daan. Sa dami ng beses niya pinaputok ang kaniyang baril, pati misis niya ay kaniyang tinamaan," saad sa Facebook page ni Antipolo City Mayor Jun Ynares.  

Tumakas naman ang suspek na si "Kenneth",  28-ayos na negosyante, habang sakay ng SUV pero naaresto siya sa hot pursuit operation sa bahagi ng Masinag, Barangay Mayamot.

Hinikayat ni Antipolo Component City Police Station Acting Chief Police Lt. Col. Ryan Lopez Manongdo, ang mga saksi sa nangyaring pamamaril na tulungan sila sa imbestigasyon kung ano ang ugat ng pamamaril.

Sa mga nag-viral na video sa social media, makikita na may kasuntukan ang suspek na dalawang nakasuot ng helmet. Hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at namaril.

Sa panayam ng Super Radio dzBB, sinabi ni Rizal Provincial Police Office Director Police Col. Felipe Maraggun, na walang Certificate of Authority mula sa Commission on Elections para magdala ng baril ang suspek, habang umiiral ang gun ban dahil sa panahon ng eleksyon.

 

 

Sinabi rin ni Maraggun na inaalam pa nila ang pinagmulan ng kaguluhan.

"Yun ang iniimbestigahan natin ngayon, nang malaman natin kung anong puno’t dulo nito at nagkaroon ng confrontation… Definitely, I assure you, sa kalsada ito. Paggamit siguro ng kalsada, baka nagkagitgitan or whatever," anang opisyal.— FRJ, GMA Integrated News