Mistulang bumagsak sa mala-"entrapment operation" ang isang lalaki na umano'y two-timer dahil kahit may nobya na, may pinopormahan pang iba. Pero ang dalawang babae, nagsabwatan laban sa kaniya.
Sa video ng GMA Public Affairs na "FYP," makikita ang isinagawang set-up sa isang food court sa mall na plinano ng pinopormang babae na si Joy Aninang at ang nobyang itinago sa pangalang "Jenny."
Ang plano, pumayag si Joy na makipag-date sa kaniyang manliligaw na itinago naman sa pangalang "Mark." Pero ang hindi alam ng lalaki, darating din sa lugar ang kaniyang nobya.
Kuwento ni Joy, 26-anyos, nang malaman niya na may nobya ang nanliligaw sa kaniya na si Mark, kinontak niya agad ang babae para ipaalam ang ginagawa ng kaniyang jowa.
Sa kanilang pag-uusap, nagkasundo ang dalawang babae na i-setup si Mark. Hanggang sa naiplano na nga ang date ng dalawa sa isang mall.
"Sabi ko sa food court na lang kasi sabi ko gusto ko maraming tao para kunyari shy pa ko, parang takot pa kong kaming dalawa lang," natatawang kuwento ni Joy.
Ang nobya naman na si Jenny, nakaabang na rin sa lugar at maghihintay na lang ng senyas para lumabas.
Gaya sa mga entrapment operation, nang makita na ni Jenny ang senyas ni Joy, umeksena na siya sa naturang date ng kaniyang jowa.
Namumula at hindi umano maipinta ang mukha ni Mark nang makita si Jenny na umupo sa tabi nila, ayon kay Joy.
Hindi rin daw makaalis ang lalaki dahil tinakot ni Joy na mag-e-eskadalo sila ni Jenny kapag umalis ito.
"'Sinabi ni Jenny [kay Mark] nagulat ka ba? Ako rin kasi hindi ako makapaniwala na lolokohin mo ko,'" sabi ni Joy tungkol kay Jenny.
Sa huli, ang lalaking nagbalak umano na mag-two time, naging zero dahil nakipaghiwalay din sa kaniya ang nobya nang araw na iyon, bagay na hinangaan ni Joy.
Naging magkaibigan din umano sina Joy at Jenny
"Nakita ko kasi ang sarili ko sa kaniya. Kasi kung ako may boyfriend tapos yung boyfriend ko may nilandi, gusto ko sabihin ng girl sa akin na nilandi siya ng boyfriend ko. Hindi ko siya aawayin kasi gusto kong malaman bakit ako niloloko ng boyfriend ko," paliwanag ni Joy sa kaniyang ginawa.
"Ayoko yung magmumukha akong walang alam," dugtong niya.
Payo ni joy sa mga lalaking hindi makontento sa isa, "Kung hindi ka pa sure sa partner mo instead na lokohin mo make as well let her go kasi may guy na darating for her na iingatan siya, hindi siya sasaktan."
Pahabol pa niya, "Bakit ba hindi kayo makontento [sa isa?] As in sobrang nakakasira siya ng confidence ng babae, ng morale ng babae, lalo na yung mental health ng babae. Hindi ba ako enough, pangit ba ako, kapalit-palit ba ako?"
Sinusubukan ng FYP team na mahingan ng panig ang lalaki, at ang dati nitong nobya. -- FRJ, GMA Integrated News