Sa pagkamatay noong nakaraang Nobyembre ng buwayang si Cassius mula sa Australia na siyang may hawak ng korona bilang world's largest crocodile in captivity, maibalik kaya sa Pilipinas ang naturang titulo matapos na may mahuling dambuhalang buwaya sa Languyan, Tawi-tawi?

Si Cassius na may haba na 5.5 meters o 18 feet ang kinikilalang world's largest crocodile in captivity bago pa man nahuli noong 2011 sa Bunawan, Agusan del Sur ang umagaw sa kaniya ng korona na si Lolong, na may habang mahigit 6 na metro o mahigit na 20 talampakan.

Pero nang pumanaw si Lolong noong 2013, ibinalik kay Cassius ang korona hanggang sa pumanaw niya noong nakaraang Nobyembre, na tinatayang may edad na mahigit 100 taon.

Ngunit sa pagpanaw ni Cassius, may ibang buwaya na inaalagaan sa Queensland sa Australia ang pinaniniwalaang may bagong hawak ng titulo na tinatayang nasa limang metro, o mahigit 16 na talampakan ang haba gaya ni "Krakatoa."

Subalit may posibleng humamon kay Krakatoa na mula sa Pilipinas kung palakihan ang usapan. Isang dambuhang salt water crocodile na nahuli ng mga mangingisda sa Languyan, Tawi-Tawi.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng mangingisdang si Kanaih Atorni, na manghuhuli sana siya ng isda noong Enero 5 nang mapansin niya ang isang malaking bagay sa dagat na inakala niyang kahoy lang.

Pero nang gumalaw ito, at mapagtanto niya na isa itong buwaya. Kaagad umano siyang bumalik sa pampang at hindi na nakapangisda dahil sa takot.

Ipinaalam din niya sa kaniyang mga kasamahan ang nakita niyang buwaya upang mabigyan ng babala ang iba. Ilang araw pa umano ang lumipas ngunit hindi pa rin umaalis ang buwaya sa kinapupuwestuhan nito.

At habang nandoon ang buwaya, hindi rin makapangisda ang mga residente dahil sa takot kaya apektado rin ang kanilang kabuhayan.

Ang mangingisda na si Ponsing Angdingi, humingi ng payo sa opisyal ng kanilang barangay kung ano ang kanilang dapat na gawin sa buwaya.

Dahil naapektuhan na nga ang pangingisda ng mga residente, pumayag ang opisyal ng barangay na hulihin ang buwaya pero kailangang silang mag-ingat.

Nang makakuha ng basbas mula sa opisyal ng kanilang barangay, nagtawag ng ibang mangingisda si Ponsin upang planuhin at ihanda ang mga gamit na kanilang kakailanganin.

Mabuti na lang at nasa bahagi ng tubig na hindi kalaliman ang buwaya. Nang nakagat nito ang lubid na inihagis ni Ponsin, hinatak na nila ang buwaya papunta sa ligtas na lugar at itinali na hindi kalayuan sa ilang bahay.

Walong tao umano ang humila sa buwaya na tila naman daw nakakaintindi nang pinapalakad nila.

"Lamakad ka, di ka namin papatayin," sabi umano ni Ponsing sa buwaya.

Ilang araw matapos na mahuli nila ang buwaya, ipinagbigay-alam na nila ito sa lokal na pamahalaan upang sunduin ang buwaya na hindi napangalanan.

Ngunit dahil sa laki, hindi rin naging madali na basta maisakay ang buwaya sa balsa na hahatakin naman ng bangka upang madala sa magiging bago nitong tirahan.

Ayon kay Rainier Manalo, MSC., Marine Biologist/Program Director, Crocodylus Porosus Philippines Inc., ang nahuling buwaya ay hindi umano masyadong maganda ang katawan.

"I think hindi siya nakakakuha ng pagkain na mas maayos sa panahon ng kaniyang paglalakbay," ani Manalo. "Maaaring ang buwayang ito ay nagpapahinga na at aalis din siya dahil ang isla na iyon ay walang magandang tirahan para sa kaniya."

Sabi ni Manalo, kung masusukat nang tama ang naturang buwaya na sinasabing lampas 18 talampakan ang haba at maaaring umabot pa ng 19 na talampakan, ito ang kikilalanin na pinakamalaking buwaya na makikita sa buong mundo ngayon.

Tunghayan sa video na ito ng "KMJS"ang makapigil-hiningang paghuli ng grupo ng mga mangingisda sa dambuhalang buwaya. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News