Nasawi ang isang 55-anyos na tindero matapos paluin ng kahoy sa ulo ng nakaalitan niyang barker sa Bacolod City.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang isang babae na nakatayo sa harap ng isang establisimyento sa may downtown area.
Ilang saglit lang, natumba ang isang lalaki sa kaniyang likuran at tumama ang ulo nito sa sahig.
Lumabas sa imbestigasyon na pinalo siya ng barker ng kahoy sa kaniyang ulo.
Dinala pa ang tindero sa ospital ngunit pumanaw din kalaunan dulot ng traumatic head injury.
Sinabi ng pulisya na may hindi pagkakaunawaan ang barker at tindero na posibleng dahil sa pagpa-park sa lugar.
Patuloy na hinahanap ang tumakas na suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News