Nasawi ang isang 63-anyos na beterinaryo matapos siyang pagbabarilin sa Pavia, Iloilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, sinabi ng ilang residente ng Barangay Anilao na nakarinig sila ng tatlong magkakasunod na putok ng baril.

Isang residente naman ang nakakita na may isang lalaki na lumabas galing sa sasakyan ng biktima matapos ang pamamaril, bago sumakay sa isang motorsiklo.

Lumabas sa imbestigasyon na residente ng Jaro District sa Iloilo City ang biktima.

Sa CCTV footage, mapanonood na pauwi na sa kanilang bahay ang lalaki halos isang oras bago ang pamamaril sa kaniya.

Pagkaraan ng kalahating oras, muling umalis ng kanilang tahanan ang lalaki at papunta sana sa isa niyang kliyente, ayon sa pulisya.

May persons of interest na ang mga awtoridad. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News