Inihayag ni Ruru Madrid na hindi siya naniniwala sa “7-year itch,” o ang paniniwala na mahaharap sa matinding pagsubok ang relasyon kapag umabot sa ika-pitong taon.
Sa media conference ng “Lolong: Bayani ng Bayan” na pagbibidahan muli ni Ruru, sinabi ng Primetime Action Hero na hindi mangyayari ang “7-year itch” theory kapag sadyang para sa iyo ang taong kasama mo.
“Personally, hindi ako naniniwala, kasi nakasulat na ‘yan eh,” saad ni Ruru. “Kung para kayo sa isa’t-isa, kayo talaga.”
Kompiyansa rin si Ruru na hindi rin mangyayari sa relasyon nila ng kasintahan na si Bianca Umali ang naturang paniniwala.
“Kahit sino pa ang pumigil, kahit ano pang klaseng tukso, pagsubok, basta nagtutulungan kaming dalawa, lahat kakayanin,” ayon kay Ruru.
Nakatakdang ipagdiwang nina Ruru at Bianca ang ika-pitong taon ng kanilang relasyon. Dati nang inihayag ng aktor ang labis na pasasalamat sa suporta sa kaniya ng aktres.
“Kung hindi dumating si Bianca sa buhay ko, hindi ko makakamit ‘tong mga pangarap ko,” sabi ni Ruru.
“Sabi ko nga, hindi na ako makakahanap ng ganoong klaseng tao, ‘yung suporta na binibigay niya sa akin,” dagdag niya.
Sa isang panayam, sinabi rin ni Ruru na handa na siyang lumagay sa tahimik para kay Bianca.
BASAHIN: Ruru Madrid, handa nang lumagay sa tahimik: 'Hindi na ako makakahanap ng tulad ni Bianca
Mapapanood ang "Lolong: Bayani ng Bayan" simula sa January 20. — mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ, GMA Integrated News