Ipinakita ng mga katutubo sa Tagkawayan, Quezon ang katotohanan sa kasabihang "it's the thought that counts" sa pagbibigay ng regalo. Kahit simple lang kasi ang kanilang exchange gift na nakabalot sa dahon, makikita naman ang kasiyahan sa kanilang mga mukha.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video na kuha ni Jann Santillan, sa ginanap na munting Christmas party ng mga katutubo sa Barangay Casispalan sa Tagkawayan.
Ang salu-salo ay ginawa ng grupong Tagkawayan Vines dahil nais daw nilang ipagdiwang ang mga biyaya na kanilang natanggap at napili nilang gawin ito kasama ang mga katutubo.
Sa video, makikita na nakabalot sa dahon ang mga regalo na bitbit ng mga katutubo na pang-exchange gift nila sa isa't isa.
May numero ang bawat isa, at ang laman na "regalo" ay mga gulay na kanilang mga tanim gaya ng papaya, buko, talbos at iba pa.
Hindi man makukulay ang mga pambalot at hindi mamahalin ang laman na regalo, makikita naman ang saya sa mga katutubo, at buhay na buhay ang diwa ng Pasko.
May dala rin na simpleng mga pagkain ang grupo ng mga kabataan na kanilang pinagsaluhan kasama ang mga katutubo.
Hindi man bongga ang kanilang selebrasyon at palitan ng mga regalo, pinaghirapan naman daw ang mga katutubo ang mga ito, at bukal sa puso--na walang katumbas na halaga.
Natapos ang party na may matatamis na ngiti sa mga dumalo. -- FRJ, GMA Integrated News