Naging malaking palaisipan sa isang lalaki at kaniyang asawa ang ilaw sa kalangitan na kanilang nakita nang bigla itong gumalaw at magpabago pa umano ng mga kulay bago biglang naglaho.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video na kuha ni John Nicholls, na mula sa Essex, England, tungkol sa liwanag na kalangitan na kanilang nakita habang nasa bahay sila.
Noong una, inakala raw nina John na meteor o planeta ang liwanag na mukhang maliit sa video pero mas malaki raw sa personal.
Lalo pang nagtaka ang mag-asawa nang gumalaw umano ang ilaw, na bukod sa puti ay naging dilaw at purple, nagbago ng hugis, at biglang naglaho pagkaraan ng ilang minuto.
"I kept watching and it started making odd shapes and changing colors--it was all very odd," ayon kay John.
"From our bedroom, we can see the night sky and I have never seen anything like that," patuloy niya.
Dahil sa kanilang nakita, napaisip si John kung UFO ba ang kanilang nasaksihan.
"I'm not a big UFO man but I have been keeping up with the UFO hearings in America as it is interesting," sabi pa niya.
Wala pang paliwanag ang mga awtoridad tungkol sa kakaibang liwanag na nahuli-cam ni John.--FRJ, GMA Integrated News